“Aalis ka na?” Palabas na sana si Melo ng 612 nang bigla siyang tawagin ng isang multo, si Cedric, ang pinaka-unang multo na nakilala niya. Si Cedric rin ang nagbigay sa kaniya ng pangalang Melo at ibinase niya ito sa pagkawala ng alaala niya, Melo short for Memory Loss.
Tumigil sa paglalakad si Melo at sinulyapan si Cedric. “Nandito ka rin pala?”
“Walang magawa, may limang araw pa akong natitira.” Katulad ng ibang mga multo, si Cedric ay may misyon rin at limang araw na lang ay susunduin na siya ng anghel ng kamatayan. Natapos na kasi nito ang dapat niyang tapusin, ang ipaalam sa kaukulan kung sino ang taong nakapatay sa kaniya.
Biktima si Cedric ng hit and run. Galing siya sa trabaho at pauwi na sana siya nang mabundol siya ng isang trailer truck. Dahil madaling araw na ay walang nakakita sa nangyari kaya kinuha na ng driver ang pagkakataong iyon upang tumakas. Ilang oras pa ang lumipas bago siya mapansin ng mga tao ngunit huli na ang lahat dahil hindi na siya humihinga ng mga oras na iyon.
Si Cedric ang breadwinner ng kanilang pamilya, nasa 30’s na siya pero ayaw niya talagang aminin ang totoo niyang edad. May dalawa siyang kapatid na pinapa-aral, isa sa High School at isang kolehiyo. Matagal nang patay ang kaniyang ina samantalang baldado naman ang kaniyang ama kaya siya lang talaga ang inaasahan ng kanilang pamilya.
Nahabag si Melo sa kuwento ni Cedric kaya hindi siya nagdalawang-isip na tulungan ito sa kaniyang misyon. Mula sa panaginip hanggang sa mga pagpaparamdam, tinakot nila ang truck driver hanggang sa siya na mismo ang magsuplong sa sarili sa mga pulisya. Ang tanging gusto lang naman ni Cedric ay ang matulungan ang pamilya niya sa mga bayarin sa ospital at sa pagpapalibing.
“Good luck sa pagpunta sa langit.” Nakangiting sambit ni Melo pero sa loob-loob niya ay muli na naman siyang nabahala para naman sa sarili niyang misyon. Hanggang ngayon kasi ay wala pa siyang naaalala ni katiting lang ng buhay niya. Bakit sa lahat ng multo na nakasalamuha niya ay siya lang ang walang ala-ala?
“Actually, may isa pa akong dapat tapusin.”